Miyerkules, Pebrero 15, 2012

Linggo ng Paghuhukom

Muli, magandang araw sa inyo. Kami'y hindi nakapagsulat dahil sa maraming ginagawa sa simbahan at sa bahay sa mga okasyon ng Banal na Kapanganakan ni Kristo at ng Teofania o ang Pagpapakita ni Kristo Jesus bilang Diyos. Ngayon lamang kami nakapagsulat, at mainam na mapagtuunan na natin ang Dakilang Kuwaresma sa bawat linggo.

Ang newsletter ay panandalian naming itinigil dahil na rin sa kakulangan ng oras at pera. Subali't maglalathala pa rin ang blog na ito ukol sa mga Dakilang Pista at sa ibang gawain sa simbahan ng Annunciation Church.

Salamat sa patuloy ninyong pagtunghay.

-0-

Ang Linggo ng Paghuhukom ay mas kilala sa tawag na Meatfare Sunday (Linggo ng Pagpapaalam sa Mga Pagkaing-Karne) dahil ito ang huling araw, bago ang Dakilang Pasko, na kumakain ng karne ang mga Ortodox. Inaalala ng Simbahang Ortodoxa sa araw na ito ang pagpapahayag ni Jesus ng Araw ng Paghuhukom sa ganitong mga kataga:

Sa araw na dumating ang Anak ng Tao sa kanyang kaluwalhatian at kasama ng lahat ng kanyang mga anghel, uupo siya sa kanyang trono ng luwalhati...at paghihiwalayin niya ang mga bansa, tulad ng paghiwalay ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ang mga tupa ay ilalagay niya sa kanan, ang mga kambing ay ilalagay niya sa kaliwa. 


At ang mga nasa kanan ay gagawaran ng buhay na walang-hanggan, ngunit ang mga nasa kaliwa ay lalapatan ng parusang walang-hanggan.

Alamin natin ang mga ipinapahayag ni Teofanis ng Nicea ukol sa Araw ng Paghuhukom. Sinasabi niya, at ito ang tindig ng Simbahan, na ang Impiyerno at Langit sa Araw ng Paghuhukom ay iisa. Darating ang Panginoon at huhusgahan Niya ang lahat, at ang Ilaw ng Diyos ay mababanaag ng lahat. Ang mga hindi karapat-dapat ay masusunog at masasaktan sa Ilaw na ito - samakatuwid, Impiyerno; at ang mga karapat-dapat ay makakikita at maliliwanagan - samakatuwid, Langit.

Sinasabi ng Ebanghelyo sa araw na ito na inuungkat ng Diyos ang mga nagawa, o ang mga hindi nagawa, sa buhay ng mga tao. Ngunit naging malamlam ang Kanluraning pagtingin sa kuwentong ito. Inisip ng mga Kanluranin na ang tanging hinihingi ng Diyos sa atin ay ang pagtulong sa kapwa, at wala nang iba pa. Hindi ito ang pinaniniwalaan ng Simbahang Ortodoxa; bagkus, tayo ay hinihimok na mangilag sa Araw na iyon at ayusin ang ating mga sarili bago dumating iyon!

Tinatawag din ang Linggo na ito na Linggo ng Patas at Maluwalhating Ikalawang Pagdating ni Kristo - patas dahil wala ni isang tao ang nakalalamang sa mata ng Diyos. Sa mata ng Diyos, lahat ng tao - anuman ang kalagayan at katungkulan sa buhay - ay pantay-pantay. Walang kaseguruhang makukuha sa mga bagay sa mundo para sa Araw ng Paghuhukom. Tanging ang awa ng Diyos at ang kanyang Grasya ang magiging kaseguruhan ng tao sa Araw na iyon.  

Sabado, Disyembre 24, 2011

Mensaheng Ensiklikal Para sa Pasko ng Kapanganakan 2011


Ang Mensaheng Ensiklikal Para sa Pasko ng Kapanganakan
ng ating Panginoong Jesu-Kristo
ng Kanyang Kapita-pitagan na
Arsobispo Nektarios ng Hong Kong at Timog-Silangang Asya
sa Kaparian at Diyakono, sa mga Monghe at Mongha,
sa Mga Kaanib ng Mga Parokya ng
Ortodox Arkidiyosesis ng Hong Kong at Timog-Silangang Asya
at sa Lahat ng Kasapi ng Pamilya Ortodoxa sa Timog-Silangang Asya

Mga minamahal na kapatid,

Ngayong ika-25 ng Disyembre ay ipinagdiriwang natin nang may galak ng espiritu ang mapangligtas na Kapanganakan sa mundo ng ating Diyos at Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Kristo.

Tayo ay hinihimok ni San Gregorio Palamas, dating Arsobispo ng Tesalonica at isa sa mga dakilang Ama ng Banal na Simbahan, sa kanyang homiliya ukol sa araw na ito. Ayon sa kanya, dapat nating pagsikapan na itaas ang ating mga kaisipan upang masagap natin ang liwanag ng pagkakakilala sa Diyos, na tila naliwanagan ng isang banal na bituin. Pagka’t ngayon, nagpantay ang dangal ng Langit at Lupa; makikita ang daan paitaas para sa lahat ng nasa baba, kaakibat ng pagtingin pababa ng mga naroon sa itaas.

Noong hindi pa nangyayari ang Pagkakatawang-Tao ng Salita ng Diyos, ang Kaharian ng Langit ay malayo sa atin, tulad ng layo ng langit sa lupa. Ngunit nang dumating ang Hari ng Langit, at nakitira sa atin, at nang pinili Niyang makiisa sa atin, lumapit sa ating lahat ang Kaharian.

Ang walang-hanggan, di-masukat, at makapangyarihan sa lahat na Salita, nagkatawang-tao at ngayon ay ipinanganak, na walang panuluyan o tirahan. Siya’y sanggol na inilagay sa sabsaban, nakikita, nahahawakan. Siya’y binalot ng lampin. Ang Kapanganakan Niya’y walang bahid ng paghihirap, sa paraang Siya’y ipinaglihi nang walang bahid ng pagtatalik. Ang Kanyang Ina, na hindi nangailangan ng kaluguran ng pagtatalik sa paglilihing ito, ay hindi dumanas ng paghihirap sa Kapanganakang ito.

Ang mismong Salita ng Diyos, na mula sa Diyos Ama, ay nagpakumbaba sa paraang di-mailarawan at bumaba mula sa kaitaasan, tungo sa pinakamababang antas ng pamumuhay ng sangkatauhan. Kanya itong idinugtong sa sarili Niya, at sa gayong pagpapakumbaba at pagiging tulad nating mga hamak, itinaas Niya ang lahat ng nasa ibaba – o maaari ring sabihing ipinaghalo Niya ang “taas” at “baba”, at pinag-isa ang mga ito. Ipinagsama Niya ang Pagka-Diyos at pagkatao, at sa gayon ay itinuro Niya na ang pagpapakumbaba ang daan paitaas. Ngayo’y ipinakikita Niya ang Kanyang sarili bilang halimbawa, hindi lamang sa sangkatauhan, maging sa mga anghel.

Dahil sa halimbawang ito, ang mga anghel ay tumatag, sapagka’t natutunan nila sa paraang ipinakita ng Guro, na ang paraan upang dakilain at maging tulad Niya ay pagpapakumbaba, sa halip na pagmamataas. Dahil sa halimbawang ito, madaling naitatama ang mga tao, sapagka’t nauunawaan nila na ang pagpapakumbaba ang daan ng kanilang pagbabalik sa Diyos.

Dahil sa halimbawang ito, si Satanas, na lubos ang pagmamataas, ay ipinahiya at ibinagsak. Bago ito, inisip niyang nakatatayo siya sa kanyang sarili at mayroon siyang halaga, at may inalipin siyang iilan. Naisama niya ang mga ito sa pagbagsak sa pamamagitan ng paghahangad ng mga malalaking hangarin. At hinangad din niyang hilahin pababa ang iba sa pamamagitan ng kanilang sukdulang kabuktutan.

Ngayong ipinanganak si Kristo, si Satanas ay inaapak-apakan ng dati niyang mga alipin. Tumalikod ang mga ito sa kanilang dating pagmamataas, na tinuro sa kanila ni Satanas, at nakisama sa mga dukha (Rom 12:16) tulad ng itinuro ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang gawa. Sa gayo’y nakamit nila ang karangalan sa langit sa pamamagitan ng pagpapakumbaba.

Ito ang dahilan kung bakit ang Diyos, na ang trono’y sa ibabaw ng mga Kerubin (Awit 99:1), ngayon ay nakikita nating isang sanggol sa sangkalupaan. Siya’y hindi man lamang masilip ng mga Serafim na anim ang bagwis. Hindi nila matagalan ang pagwangis sa Kalikasan ng Diyos at maging sa liwanag ng Kanyang kaluwalhatian, kaya’t tinatalukbongan nila ng kanilang bagwis ang kanilang mata (Isaias 6:2).

Ngayon ay nagkatawang-tao Siya, nababanaag ng ating pandama, nakikita ng mga mata ng mga mortal. Siyang nagbigay-kahulugan sa lahat at ang di-masukat, ngayon ay nailagay sa maliit na sabsaban. Siya na tangan ang sansinukob sa Kanyang palad, ngayon ay ibinalot ng lampin at mga damit ng payak na katauhan. Siyang may-ari ng walang-hanggang yaman, ngayon ay nagkusang maging abang-aba, na hindi man lamang makahanap ng lugar panuluyan. Ngayo’y ipnanganak sa kuweba ang Siyang Bugtong na Anak ng Diyos Ama bago pa man ang panahon, na walang simula. At ang kagila-gilalas na pangyayari – Siya na ang kalikasan ay tulad ng sa Diyos Ama, ngayon ay hindi lamang inako ang kalikasan ng tao, o ang pagkaaba ng Kanyang kapanganakan sa isang kuweba, ngunit maging ang kamatayang patutunguhan ng Kanyang pagiging tao!

Ukol sa Kanya na ipinanganak sa araw na ito, kasamang umaawit ng mga anghel ang mga pastol, ng iisang awit at iisang himig. Hindi inangkin ng mga anghel ang mga pipa ng mga pastol; ngunit tinuruan ang mga pastol ng hukbo ng langit na umawit nang paligiran sila ng mga ito ng kaningningan:

Luwalhati sa Diyos sa Kaitaasan! Sa lupa’y kapayapaan! (Luc 2:14)

Isang awit ng langit, o maaring sabihin na awit ng langit at lupa. Siyang naluluklok sa kaitaasan at naghahari sa kalangitan, ngayon ay nakaluklok sa lupa, niluluwalhati sa lupa tulad ng sa langit (Isaias 66:1; Gawa 7:49) ng Kanyang mga banal at mga anghel.

Ngunit ano ang dahilan ng pagbubunyi ng sangkatauhan at ng hukbo ng langit? Ano itong balitang ipinagbubunyi at ikinagagalak ng mga pastol at ng sangkatauhan? Ang sabi ay, “ang mga tao’y kinalulugdan niya” (Luc 2:14). Pagka’t ang Diyos, na dati’y nagalit sa sangkatauhan at ito’y sinumpa, ngayon ay dumating bilang tao, naghandog ng kapayapaan at ipinagkasundo ang sangkatauhan sa Diyos Ama. Sabi ng awit, “Masdan; hindi Siya ipinanganak para sa aming mga anghel, gayong ngayong Siya’y aming namamalas dito sa lupa, pinupuri namin Siya tulad ng sa langit. Para sa inyo Siya ipinanganak. Alang-alang sa sangkatauhan, at ayon sa inyong kalikasan, isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon (Luc 2:11).

Mga kapatid: panatilihin natin sa ating mga sarili ang kapayapaang handog, sa abot ng ating makakaya. Pagka’t tinanggap natin ito, bilang laan sa atin ng ating Tagapagligtas, na ngayon ay ipinanganak. Siya ang nabigay sa atin ng Espiritu bilang mga anak ng Diyos; sa pamamagitan Niya tayo ay naging tagapagmana ng Diyos, kasama ni Kristo (Rom 8:5-17).

Makipagkasundo tayo sa Diyos at gawin ang mga bagay na ikalulugod niya: malinis na pamumuhay, paglahad ng katotohanan, pagkilos nang makatarungan, pagpapatuloy sa panalangin (Gawa 1:14), pag-awit nang buong puso sa Panginoon (Efeso 5:19) at hindi lang sa pamamagitan ng bibig. Makipagkasundo tayo sa ating mga sarili; ipailalim ang laman sa Espiritu, kumilos ayon sa konsiyensiya, at panatilihing dalisay at maayos ang takbo ng ating kaisipan. Makipagkasundo tayo sa isa’t isa, “magpasensiya sa isa't isa at magpatawad kung may hinanakit tayo kaninuman…gaya ng pagpapatawad sa atin ng Panginoon” (Col 3:13), at maging mahabagin sa isa’t isa, tulad ni Kristo, na dahil lamang sa pag-ibig Niya para sa atin ay nahabag sa atin, at pumanaog dito alang-alang sa atin.

Sa gayon, bilang mga tumalikod sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang tulong at grasya, at mga iniangat mula sa sangkalupaan sa pamamagitan ng grasya, tayo ay maaaring maging mamamayan ng kalangitan (Fil 3:20). Hinihintay natin ang ating pag-asa (Rom 8:23), katubusan mula sa pagkasira, tungo sa pagtamasa ng walang-hanggang pagpapala galing sa langit, bilang mga anak ng Diyos Ama.

Nawa’y marating nating lahat ito, sa Ikalawang Pagdating at Pagpapakita ng Diyos at Tagapagligtas, na ating Panginoong Jesu-Kristo, na siyang niluluwalhati ngayon at magpakailanman, at magpasawalang-hanggan. Amen.


Isang pinagpalang Pasko ng Kapanganakan
ng ating Panginoong Jesu-Kristo
at masaganang Bagong Taon sa lahat.

+NEKTARIOS
Arsobispo ng Hong Kong at Timog-Silangang Asya

Sabado, Disyembre 17, 2011

Kakaiba at Saliwang Misteryo: Paghihintay sa Araw ng Kapanganakan ni Kristo

Ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon ang Linggo bago ang Pasko ng Kapanganakan, ang simula ng huling linggo ng Ayuno ng Kapanganakan (Nativity Fast). Naghihintay kaming masigasig sa pagdating ng Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan.

Sa tradisyon ng mga Romano-Katoliko ng Pilipinas, ipinagdiriwang ang mga Simbang Gabi o Misa de Gallo mula ika-15 hanggang ika-24 ng Disyembre. Ito ay isang nobena ukol sa Birheng Maria para sa Pasko ng Kapanganakan. Sa mga pagbasa, nagsisimula naman ang espesyal na bahagi ng Adbiyento sa ika-17 ng Disyembre, kung saan ang mga Alleluia (sa Silanganing gamit, ang mga Prokimenon ng Ebanghelyo) ay puno ng pag-aasam sa pagdating ni Kristo bilang Emanuel, ang Diyos-na-sumasaatin. Patok na patok ang puto-bumbong sa mga araw na ito.

Ang Simbahang Ortodoxa ay ganito rin ang pananampalataya, na ang pagdating ni Kristong Diyos na nagkatawang-tao ay tunay na inaasam-asam. Wika ng unang Awit sa hilera ng Katavasia para sa Pasko ng Kapanganakan, "Si Kristo'y isinilang; luwalhatiin Siya! Si Kristo'y pumanaog mula sa langit; tagpuin Siya! Si Kristo'y narito na sa lupa; bumangon at salubungin Siya!" Mas sumisidhi pa ang kaisipang ito sa patuloy na pag-alala namin sa mga Banal na Ninuno.

Mahaba ang Tala-arawan (Synaxarion) sa araw na ito.
"Ating inaalala ang Patriarkang si Abraham...Isaac...Jacob...Juda, kung saan nagmula ang lahing kinabibilangan ng Manliligtas...propeta Moises, at si Aaron na matuwid...Hari at propeta David...Manases...Zorobabel, na siyang nagpaayos ng Templo ng Diyos...Jose, ang asawa ng Mahal na Birheng Theotokos na si Maria...ang propeta Samuel, ang propeta Isaias, ang propeta Jeremias, ang propeta Ageo...Rut...Miriam, kapatid ni Moises..." ilan lamang iyan sa mga binabanggit sa Tala-arawan.

Inaalala ng sambayanang Kristiyano ang mundo bago dumating si Jesu-Kristo, "anak ni David, anak ni Abraham" (Mateo 1:1). Nangangarap ang mga Hudyo na balang-araw, darating ang Mesiyas, ang Kristo, at siya ang lulupig sa mga kaaway ng Israel. Ngunit nangyari ang "kakaiba't saliwang misteryong ito" (ika-9 Awit sa hilera ng Katavasia, Kapanganakan): na ang Diyos mismo ang Mesiyas, Siya'y ipinanganak ng Birheng Maria, ang Di-Makahon ay pumiling malimita sa sinapupunan ng isang babae, at sa mundong Siya mismo ang kumatha. Sa gayon, "ang belen ay Langit; ang Birhen ay tronong pinaliligiran ng mga Kerubin; ang sabsaban ay kalawakan."

Tayong naghihintay ay inuutusan ng Simbahan na humandang tanggapin ang misteryong ito. Sa sulat ng mga Hebreo na binabasa sa simbahan sa Linggong ito, sinasabi na ang mga ninuno ay nagpamalas ng pananampalataya, kahit buhay o dangal sa mundo ang kapalit. "Hindi karapat-dapat ang mundo sa mga taong iyon," sabi ng sulat. Ngunit limitado ang kanilang pagtingin, at kailangan nila ng habag ng Diyos. Kaya't minarapat ng Diyos Ama na ihayag ang Kanyang Anak sa tamang panahon. Ito iyong hinihintay natin ngayon, kasama ang mga Ninuno sa mundong inaasam-asam si Kristo at naghihintay sa kanyang pagliligtas.

Ang mga paghihirap, tagumpay, pighati, at maging ang mga kasalanan nina Abraham, Isaac, Jacob, David, Solomon, Manases, Zorobabel, at iba pang mga Banal na Ninuno ang dala natin ngayon sa paghihintay sa Kapanganakan ni Kristo, bilang paalala na si Kristo ang tunay na katuparan ng mga pangarap at hiling nila, at ng sa atin din. Siya ang nagdala ng kapatawaran at saysay sa lahat ng ito.

Maligayang Pasko ng Kapanganakan!          

Miyerkules, Disyembre 14, 2011

Ang Programang "Little Angels" sa Annunciation Church

Sa huling mga araw ng paghihintay natin sa Pasko ng Kapanganakan, nais kong ibida sa inyo ang isa sa pinakaunang programa ng aming simbahan.

Kahit simpleng lugaw lamang, ito ay puno ng pag-aaruga.
Little Angels, ika-10 ng Disyembre. 
Ang programang Little Angels sa aming simbahan ay isang "feeding program" at katekesis para sa mga bata, lalo na iyong mga kapuspalad. Marami nang bata ang tinutulungan nito sa buong lawak ng Kalakhang Maynila. Natuturuan din ang mga bata ukol sa pananampalatayang Kristiyano sa paraang maiintindihan at mauunawaan nila.


Ginaganap ang Little Angels tuwing Sabado ng hapon. Ilan sa mga batang dumadalo sa programa ay nagiging mga sakristang nagsisilbi tuwing Linggo sa Banal na Liturhiya. Ilan namang mga mas matatanda na ay kumakanta sa choir o kaya naman ay tumutulong na rin sa Little Angels.

Ito ay isa sa mga simpleng bagay na sinisimulan namin sa simbahan upang lumago ang mga kasapi nito, pati kaming mga naninilbihan dito. Kahit na hindi ganoon kayaman ang aming simbahan, salamat sa Diyos at maraming mga nag-aalay ng kanilang tulong at suporta. Dahil sa pagkadami-daming suporta, dapat lamang na kumilos kami upang mapaayos, mapabuti, at mapalago ang simbahan.

Maligayang Pasko ng Kapanganakan sa inyong lahat!  

Lunes, Disyembre 12, 2011

Panagia Indiotissa - Ang Theotokos ng Guadalupe

Sa isang bansang namulat sa Kristiyanismo ng Kanluran, tulad ng Pilipinas, mahal na mahal ang Birheng Maria, ang Theotokos. Kaya't kami'y nagtataka kung maari bang tanggapin ng Simbahang Ortodoxa ang aparisyon niya sa Tepeyac sa Mehiko, na sa panahong iyon ay nasa ilalim ng Simbahang Romano-Katoliko. 

Maraming purista sa Ortodoxia na magsasabing hindi maaaring tanggapin ng Simbahan ang "Our Lady of Guadalupe" dahil hindi naman ito dumaan sa tradisyon ng Krisityanismo ng Silangan. Sa kanilang pananaw, kakaiba at erehikal ang aparisyong ito dahil lamang hindi dumaan sa tradisyon ng Iglesya Ortodoxa ng Silangan. Kung susuriin natin, hindi rin naman katha ayon sa Kanluraning tipo ang imahen. 

Magtatanong kami. Ano ang pinagkaiba ng imahen ng Theotokos ng Guadalupe sa imahen ng Theotokos ng Kazan? ng Tikhvin? ng Vladimir?

Ang aparisyon sa Guadalupe ay maaaring mahusgahan na tama o mali, totoo o peke, batay sa mga ibinunga nito. Alam natin na maraming naging mga Kristiyano dahil sa aparisyong ito, saliwa sa nakaugaliang paliwanag ng "mass conversion" sa mga lupang ginawang kolonya ng Espanya. Hindi sapilitan ang pagiging Kristiyano ng mga taong na-convert dahil sa kababalaghang ito. Hindi rin ito nanggaling sa mga Kastila; nagpakita ang Theotokos kay Juan Diego na isang Indio. Hindi para sa mga Kastila o mga Kanluranin ang aparisyong ito, kung hindi para sa mga Indio. At, higit sa lahat, hindi ito naglalaman ng kathang-isip na doktrina o dogma, di tulad ng kinaugalian ng mga erehe. Nagpakita lamang ang Theotokos. Hindi naman kakaiba sa atin bilang mga Ortodoxo ang mga pagpapakita ng Theotokos sa mga tao sa maluwalhating paraan.

Ngunit hindi ito masasagot basta-basta ng isang simpleng tao tulad namin na kabilang sa isang "mission church".  Kailangan nating bumalik sa itinuro ng Tradisyon ng mga Ama ng Simbahan at ito ang pagbasihan ng pagka-totoo ng aparisyon ng Guadalupe. Hindi natin maaaring sabihin na dahil hindi naranasan ng mga Griyego, Ruso, o iba pang mga taong nahirati na sa Ortodoxia, ay erehikal na at masama ito. Isang Obispo lamang ang makapagsasabi kung ito nga ay totoo, yaong Obispo na itinuturing ni Padre John Romanides sa librong "Patristic Theology": isang taong nakaranas na ng "theosis", nakakita na sa Diyos.

Maligayang Pasko ng Kapanganakan!

Sabado, Disyembre 10, 2011

Dakilang Pasko ng Pagkabuhay sa Pilipinas

Dahil nasumpungan namin ang mga video sa YouTube account ni "orthodoxmanila", isa sa aming mga kapanalig, malugod naming ipinapakita itong unang video. Ito ang aming simbahan, ang Annunciation to the Theotokos Church sa Paranaque.

Masdan: ang Dakilang Pasko (Holy Pascha o Easter) sa Pilipinas.


Paano pumunta sa aming simbahan

1)
(a) galing Sucat (Skyway): Sumakay ng jeep papunta sa Baclaran o Kabihasnan. Bumaba sa Jaka Plaza, sa tapat ng istasyon ng pulis at ng United Paranaque 5 Subdivision (UPS 5).  
(b) galing Baclaran: Sumakay ng jeep papuntang Sucat. Bumaba sa Jaka Plaza, doon din sa nakasulat sa (a).  

2) Sumakay ng tricycle at sabihin na papunta kayong "Orthodox". Alam na ng mga driver kung saan iyon. Nasa #36 Filipinas Street kami ('yung malaking avenue). Pakihanap si Fr. James Doronela, ang aming pari. Sa video sa itaas, siya yung naka-pula. :D

Maraming salamat at Maligayang Pasko ng Kapanganakan sa lahat!

Biyernes, Disyembre 9, 2011

San Nicolas ng Myra; Paglilihi ni Santa Ana

Mga tagatunghay, sa ngayon ay hindi pa maipalabas ang Theodouloi newsletter. Ngunit kami ay maglalagay na ng mga impormasyon dito sa blog simula sa sunod na Sabado.

Nais lang din naming iparating na kakadaos lamang ng kapistahan ni San Nicolas ng Myra sa aming simbahan, noong ika-6 ng Disyembre. Si San Nicolas, o mas kilala bilang "Santa Claus" sa mga Kanluranin, ay ikalawang patron ng Annunciation to the Theotokos Church. Makikita ang kanyang larawan sa kailwang banda ng pasukan ng simbahan, kaharap ang larawan ng Pagpapahayag sa Theotokos, na siyang pangunahing patron ng simbahan.

Para sa ating mga kapatid na Romano-Katoliko, mabuting tandaan na ang ipinagdiriwang ng Simbahang Ortodoxa ay ang Paglilihi ni Santa Ana sa ika-9 ng Disyembre, at hindi ang kapistahan ng Inmaculada Concepcion sa ika-8, bagama't parehong kaganapan ang ipinagdiriwang sa mga araw na ito.


Hindi tuwirang pinaniniwalaan ng Simbahang Ortodoxa na si Maria ay ipinaglihi nang walang bahid ng kasalanan. Ang pinaniniwalaan ng Simbahan ay ito: Tulad ng lahat ng tao, si Maria ay napasailalim din sa suliranin ng pagkatao - ang pagkamalapit sa kasalanan at di-pagsunod. Ngunit muli't muling pinili ni Maria na pakinggan at sundin ang Diyos, at iwaksi ang kasamaan. Sa tamang panahon, nang lukuban siya ng Espiritu Santo, siya'y pinawalang-sala sa lahat, dinalisay at pinabanal.

Si Maria ang Ina ng Diyos, pinili mula pa noong una, ngunit katulad natin siyang tao na nagsusumikap na maging banal at dalisay. Iyan ang dahilan kung bakit dinarakila natin siya: siya ay Ina ng Diyos, ang nagluwal sa Di-Kinatha, isang tao na ipinaglihi at iniluwal, at inalagaan at inaruga ang Diyos na walang kailangan sa kanyang mga nilalang.

Ang problema ay ito: inaalis ng doktrina ng Inmaculada Concepcion ang pokus sa Dakilang Pagkakatawang-Tao ni Jesu-Kristo at ibinabaling sa sariling merito ng isang tao, ang Birheng Maria - gayong ang lahat ng na kay Maria ay mula rin sa Diyos na Siyang nagpapabanal sa ating lahat.

Maligayang Pasko ng Kapanganakan sa inyong lahat!