Sabado, Disyembre 17, 2011

Kakaiba at Saliwang Misteryo: Paghihintay sa Araw ng Kapanganakan ni Kristo

Ipinagdiriwang ng Simbahan ngayon ang Linggo bago ang Pasko ng Kapanganakan, ang simula ng huling linggo ng Ayuno ng Kapanganakan (Nativity Fast). Naghihintay kaming masigasig sa pagdating ng Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan.

Sa tradisyon ng mga Romano-Katoliko ng Pilipinas, ipinagdiriwang ang mga Simbang Gabi o Misa de Gallo mula ika-15 hanggang ika-24 ng Disyembre. Ito ay isang nobena ukol sa Birheng Maria para sa Pasko ng Kapanganakan. Sa mga pagbasa, nagsisimula naman ang espesyal na bahagi ng Adbiyento sa ika-17 ng Disyembre, kung saan ang mga Alleluia (sa Silanganing gamit, ang mga Prokimenon ng Ebanghelyo) ay puno ng pag-aasam sa pagdating ni Kristo bilang Emanuel, ang Diyos-na-sumasaatin. Patok na patok ang puto-bumbong sa mga araw na ito.

Ang Simbahang Ortodoxa ay ganito rin ang pananampalataya, na ang pagdating ni Kristong Diyos na nagkatawang-tao ay tunay na inaasam-asam. Wika ng unang Awit sa hilera ng Katavasia para sa Pasko ng Kapanganakan, "Si Kristo'y isinilang; luwalhatiin Siya! Si Kristo'y pumanaog mula sa langit; tagpuin Siya! Si Kristo'y narito na sa lupa; bumangon at salubungin Siya!" Mas sumisidhi pa ang kaisipang ito sa patuloy na pag-alala namin sa mga Banal na Ninuno.

Mahaba ang Tala-arawan (Synaxarion) sa araw na ito.
"Ating inaalala ang Patriarkang si Abraham...Isaac...Jacob...Juda, kung saan nagmula ang lahing kinabibilangan ng Manliligtas...propeta Moises, at si Aaron na matuwid...Hari at propeta David...Manases...Zorobabel, na siyang nagpaayos ng Templo ng Diyos...Jose, ang asawa ng Mahal na Birheng Theotokos na si Maria...ang propeta Samuel, ang propeta Isaias, ang propeta Jeremias, ang propeta Ageo...Rut...Miriam, kapatid ni Moises..." ilan lamang iyan sa mga binabanggit sa Tala-arawan.

Inaalala ng sambayanang Kristiyano ang mundo bago dumating si Jesu-Kristo, "anak ni David, anak ni Abraham" (Mateo 1:1). Nangangarap ang mga Hudyo na balang-araw, darating ang Mesiyas, ang Kristo, at siya ang lulupig sa mga kaaway ng Israel. Ngunit nangyari ang "kakaiba't saliwang misteryong ito" (ika-9 Awit sa hilera ng Katavasia, Kapanganakan): na ang Diyos mismo ang Mesiyas, Siya'y ipinanganak ng Birheng Maria, ang Di-Makahon ay pumiling malimita sa sinapupunan ng isang babae, at sa mundong Siya mismo ang kumatha. Sa gayon, "ang belen ay Langit; ang Birhen ay tronong pinaliligiran ng mga Kerubin; ang sabsaban ay kalawakan."

Tayong naghihintay ay inuutusan ng Simbahan na humandang tanggapin ang misteryong ito. Sa sulat ng mga Hebreo na binabasa sa simbahan sa Linggong ito, sinasabi na ang mga ninuno ay nagpamalas ng pananampalataya, kahit buhay o dangal sa mundo ang kapalit. "Hindi karapat-dapat ang mundo sa mga taong iyon," sabi ng sulat. Ngunit limitado ang kanilang pagtingin, at kailangan nila ng habag ng Diyos. Kaya't minarapat ng Diyos Ama na ihayag ang Kanyang Anak sa tamang panahon. Ito iyong hinihintay natin ngayon, kasama ang mga Ninuno sa mundong inaasam-asam si Kristo at naghihintay sa kanyang pagliligtas.

Ang mga paghihirap, tagumpay, pighati, at maging ang mga kasalanan nina Abraham, Isaac, Jacob, David, Solomon, Manases, Zorobabel, at iba pang mga Banal na Ninuno ang dala natin ngayon sa paghihintay sa Kapanganakan ni Kristo, bilang paalala na si Kristo ang tunay na katuparan ng mga pangarap at hiling nila, at ng sa atin din. Siya ang nagdala ng kapatawaran at saysay sa lahat ng ito.

Maligayang Pasko ng Kapanganakan!          

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento