Ang
Mensaheng Ensiklikal Para sa Pasko ng Kapanganakan
ng
ating Panginoong Jesu-Kristo
ng
Kanyang Kapita-pitagan na
Arsobispo
Nektarios ng Hong Kong at Timog-Silangang Asya
sa
Kaparian at Diyakono, sa mga Monghe at Mongha,
sa Mga
Kaanib ng Mga Parokya ng
Ortodox
Arkidiyosesis ng Hong Kong at Timog-Silangang Asya
at sa
Lahat ng Kasapi ng Pamilya Ortodoxa sa Timog-Silangang Asya
Mga
minamahal na kapatid,
Ngayong
ika-25 ng Disyembre ay ipinagdiriwang natin nang may galak ng espiritu ang
mapangligtas na Kapanganakan sa mundo ng ating Diyos at Tagapagligtas, ang
Panginoong Jesu-Kristo.
Tayo
ay hinihimok ni San Gregorio Palamas, dating Arsobispo ng Tesalonica at isa sa
mga dakilang Ama ng Banal na Simbahan, sa kanyang homiliya ukol sa araw na ito.
Ayon sa kanya, dapat nating pagsikapan na itaas ang ating mga kaisipan upang
masagap natin ang liwanag ng pagkakakilala sa Diyos, na tila naliwanagan ng
isang banal na bituin. Pagka’t ngayon, nagpantay ang dangal ng Langit at Lupa;
makikita ang daan paitaas para sa lahat ng nasa baba, kaakibat ng pagtingin
pababa ng mga naroon sa itaas.
Noong
hindi pa nangyayari ang Pagkakatawang-Tao ng Salita ng Diyos, ang Kaharian ng
Langit ay malayo sa atin, tulad ng layo ng langit sa lupa. Ngunit nang dumating
ang Hari ng Langit, at nakitira sa atin, at nang pinili Niyang makiisa sa atin,
lumapit sa ating lahat ang Kaharian.
Ang
walang-hanggan, di-masukat, at makapangyarihan sa lahat na Salita,
nagkatawang-tao at ngayon ay ipinanganak, na walang panuluyan o tirahan. Siya’y
sanggol na inilagay sa sabsaban, nakikita, nahahawakan. Siya’y binalot ng
lampin. Ang Kapanganakan Niya’y walang bahid ng paghihirap, sa paraang Siya’y
ipinaglihi nang walang bahid ng pagtatalik. Ang Kanyang Ina, na hindi nangailangan
ng kaluguran ng pagtatalik sa paglilihing ito, ay hindi dumanas ng paghihirap
sa Kapanganakang ito.
Ang
mismong Salita ng Diyos, na mula sa Diyos Ama, ay nagpakumbaba sa paraang
di-mailarawan at bumaba mula sa kaitaasan, tungo sa pinakamababang antas ng
pamumuhay ng sangkatauhan. Kanya itong idinugtong sa sarili Niya, at sa gayong
pagpapakumbaba at pagiging tulad nating mga hamak, itinaas Niya ang lahat ng
nasa ibaba – o maaari ring sabihing ipinaghalo Niya ang “taas” at “baba”, at pinag-isa
ang mga ito. Ipinagsama Niya ang Pagka-Diyos at pagkatao, at sa gayon ay
itinuro Niya na ang pagpapakumbaba ang daan paitaas. Ngayo’y ipinakikita Niya ang
Kanyang sarili bilang halimbawa, hindi lamang sa sangkatauhan, maging sa mga
anghel.
Dahil
sa halimbawang ito, ang mga anghel ay tumatag, sapagka’t natutunan nila sa
paraang ipinakita ng Guro, na ang paraan upang dakilain at maging tulad Niya ay
pagpapakumbaba, sa halip na pagmamataas. Dahil sa halimbawang ito, madaling
naitatama ang mga tao, sapagka’t nauunawaan nila na ang pagpapakumbaba ang daan
ng kanilang pagbabalik sa Diyos.
Dahil
sa halimbawang ito, si Satanas, na lubos ang pagmamataas, ay ipinahiya at
ibinagsak. Bago ito, inisip niyang nakatatayo siya sa kanyang sarili at mayroon
siyang halaga, at may inalipin siyang iilan. Naisama niya ang mga ito sa
pagbagsak sa pamamagitan ng paghahangad ng mga malalaking hangarin. At hinangad
din niyang hilahin pababa ang iba sa pamamagitan ng kanilang sukdulang
kabuktutan.
Ngayong
ipinanganak si Kristo, si Satanas ay inaapak-apakan ng dati niyang mga alipin.
Tumalikod ang mga ito sa kanilang dating pagmamataas, na tinuro sa kanila ni
Satanas, at nakisama sa mga dukha
(Rom 12:16) tulad ng itinuro ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kanyang gawa.
Sa gayo’y nakamit nila ang karangalan sa langit sa pamamagitan ng
pagpapakumbaba.
Ito
ang dahilan kung bakit ang Diyos, na ang trono’y
sa ibabaw ng mga Kerubin (Awit 99:1), ngayon ay nakikita nating isang
sanggol sa sangkalupaan. Siya’y hindi man lamang masilip ng mga Serafim na anim
ang bagwis. Hindi nila matagalan ang pagwangis sa Kalikasan ng Diyos at maging
sa liwanag ng Kanyang kaluwalhatian, kaya’t tinatalukbongan nila ng kanilang bagwis
ang kanilang mata (Isaias 6:2).
Ngayon
ay nagkatawang-tao Siya, nababanaag ng ating pandama, nakikita ng mga mata ng
mga mortal. Siyang nagbigay-kahulugan sa lahat at ang di-masukat, ngayon ay nailagay
sa maliit na sabsaban. Siya na tangan ang sansinukob sa Kanyang palad, ngayon
ay ibinalot ng lampin at mga damit ng payak na katauhan. Siyang may-ari ng walang-hanggang
yaman, ngayon ay nagkusang maging abang-aba, na hindi man lamang makahanap ng
lugar panuluyan. Ngayo’y ipnanganak sa kuweba ang Siyang Bugtong na Anak ng
Diyos Ama bago pa man ang panahon, na walang simula. At ang kagila-gilalas na
pangyayari – Siya na ang kalikasan ay tulad ng sa Diyos Ama, ngayon ay hindi
lamang inako ang kalikasan ng tao, o ang pagkaaba ng Kanyang kapanganakan sa isang
kuweba, ngunit maging ang kamatayang patutunguhan ng Kanyang pagiging tao!
Ukol
sa Kanya na ipinanganak sa araw na ito, kasamang umaawit ng mga anghel ang mga
pastol, ng iisang awit at iisang himig. Hindi inangkin ng mga anghel ang mga
pipa ng mga pastol; ngunit tinuruan ang mga pastol ng hukbo ng langit na umawit
nang paligiran sila ng mga ito ng kaningningan:
Luwalhati sa Diyos sa
Kaitaasan! Sa lupa’y kapayapaan! (Luc 2:14)
Isang
awit ng langit, o maaring sabihin na awit ng langit at lupa. Siyang naluluklok
sa kaitaasan at naghahari sa kalangitan, ngayon ay nakaluklok sa lupa,
niluluwalhati sa lupa tulad ng sa langit (Isaias 66:1; Gawa 7:49) ng Kanyang
mga banal at mga anghel.
Ngunit
ano ang dahilan ng pagbubunyi ng sangkatauhan at ng hukbo ng langit? Ano itong
balitang ipinagbubunyi at ikinagagalak ng mga pastol at ng sangkatauhan? Ang
sabi ay, “ang mga tao’y kinalulugdan niya” (Luc 2:14). Pagka’t ang Diyos, na
dati’y nagalit sa sangkatauhan at ito’y sinumpa, ngayon ay dumating bilang tao,
naghandog ng kapayapaan at ipinagkasundo ang sangkatauhan sa Diyos Ama. Sabi ng
awit, “Masdan; hindi Siya ipinanganak para sa aming mga anghel, gayong ngayong Siya’y
aming namamalas dito sa lupa, pinupuri namin Siya tulad ng sa langit. Para sa
inyo Siya ipinanganak. Alang-alang sa sangkatauhan, at ayon sa inyong
kalikasan, isinilang ngayon sa bayan ni
David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon (Luc 2:11).
Mga
kapatid: panatilihin natin sa ating mga sarili ang kapayapaang handog, sa abot
ng ating makakaya. Pagka’t tinanggap natin ito, bilang laan sa atin ng ating Tagapagligtas,
na ngayon ay ipinanganak. Siya ang nabigay sa atin ng Espiritu bilang mga anak
ng Diyos; sa pamamagitan Niya tayo ay naging tagapagmana ng Diyos, kasama ni
Kristo (Rom 8:5-17).
Makipagkasundo
tayo sa Diyos at gawin ang mga bagay na ikalulugod niya: malinis na pamumuhay,
paglahad ng katotohanan, pagkilos nang makatarungan, pagpapatuloy sa panalangin
(Gawa 1:14), pag-awit nang buong puso sa Panginoon (Efeso 5:19) at hindi lang
sa pamamagitan ng bibig. Makipagkasundo tayo sa ating mga sarili; ipailalim ang
laman sa Espiritu, kumilos ayon sa konsiyensiya, at panatilihing dalisay at
maayos ang takbo ng ating kaisipan. Makipagkasundo tayo sa isa’t isa,
“magpasensiya sa isa't isa at magpatawad kung may hinanakit tayo kaninuman…gaya
ng pagpapatawad sa atin ng Panginoon” (Col 3:13), at maging mahabagin sa isa’t
isa, tulad ni Kristo, na dahil lamang sa pag-ibig Niya para sa atin ay nahabag
sa atin, at pumanaog dito alang-alang sa atin.
Sa
gayon, bilang mga tumalikod sa kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang tulong at
grasya, at mga iniangat mula sa sangkalupaan sa pamamagitan ng grasya, tayo ay maaaring
maging mamamayan ng kalangitan (Fil 3:20). Hinihintay natin ang ating pag-asa
(Rom 8:23), katubusan mula sa pagkasira, tungo sa pagtamasa ng walang-hanggang
pagpapala galing sa langit, bilang mga anak ng Diyos Ama.
Nawa’y
marating nating lahat ito, sa Ikalawang Pagdating at Pagpapakita ng Diyos at
Tagapagligtas, na ating Panginoong Jesu-Kristo, na siyang niluluwalhati ngayon
at magpakailanman, at magpasawalang-hanggan. Amen.
Isang pinagpalang
Pasko ng Kapanganakan
ng ating Panginoong
Jesu-Kristo
at masaganang Bagong
Taon sa lahat.
+NEKTARIOS
Arsobispo ng Hong
Kong at Timog-Silangang Asya
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento